Home OPINION KORAPSYON AT KATIWALIAN, NAKABAON NA NGA BA SA GOBYERNO? (PART 2)

KORAPSYON AT KATIWALIAN, NAKABAON NA NGA BA SA GOBYERNO? (PART 2)

PINALAKPAKAN pa ng taumbayan ang pahayag ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kanyang inaugural address na walang kaibigan, walang kumpare at walang kamag-anak o anak na magsasamantala na dinugtungan pa niya ng “huwag ninyo akong subukan!”. Pero, ano ang nangyari? Makaraan ang tatlong taon sa panunungkulan, napatalsik siya sa puwesto sa tinaguriang EDSA People Power II kahit sa bandang huli ay hindi naman napatunayan ang kanyang pagkakasala.

Naging simbolo naman ng panunungkulan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang walang wang-wang, walang counterflow, walang “tong” na isa ring paraan nang paglaban, hindi lang sa katiwalian kundi sa pang-aabuso.

Nang magpasiya si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang Pangulo, marami ang umasa na siya na ang sagot sa totoong paglaban sa katiwalian sa pamahalaan dahil sa kakaibang estilo niya sa pamamahala na may halong pagka-brusko.

Sa panahon ng kampanya, sinabi ni Duterte na bigyan lang siya ng tatlo hanggang anim na buwan kapag nahalal na Pangulo ng bansa para sugpuin niya ang korapsyon na pinaniwalaan ng maraming mamamayan.

Pero makaraan ang limang taon, mas lumala pa ang katiwalian sa panahon ng kanyang panunungkulan na kalaunan ay inamin niyang hindi na ito mawawala dahil “endemic” na raw ito sa gobyerno at walang sinomang makasusugpo nito maliban na lang kung ang lahat ng mga nakaupo ay tatanggalin sa puwesto.

Maraming mga pahayag ang dating Pangulong Digong na nagbibigay pag-asa sa mga maliliit na mamamayan, kabilang na rito ang ipapakain daw niya ang pera sa mga mahuhuling tiwali at pinasasampal pa nga niya ang sinomang magtatangkang manlinlang pero wala tayong nabalitaan na pinakain niya ng pera.

Maging ang mga kawani ng Bureau of Immigration na kanyang ipinatawag sa Malacanang noon na sangkot sa pastilyas scam ay ipakakain daw niya ang rolyo ng papel na may lamang pera pero hindi naman niya ito ginawa.

Gayunman, nang masibak na sa tungkulin ang mga sangkot sa naturang scam, hindi pa rin nahinto ang korapsyon sa naturang tanggapan kaya tama ang sinabi ni Tatay Digong na nakabaon na ang korapsyon sa gobyerno dahil hindi nauubusan ng isyu ng katiwalian ang mga ahensiya ng pamahalaan.