MANILA, Philippines – Kasabay ng selebrasyon ng Women’s Month, pinamamadali ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pagkakaroon ng libreng mammograms, ultrasounds at iba pang tests para sa mga kababaihan.
“Pwede po ba gawing libre na ang mammogram para sa mga kababaihan natin. I think nasa top five po ng causes of death ng Filipino women ang cancer of the breast,” pahayag ni Tulfo sa naging joint committee hearing ng pag House Committee on Ways and Means, Committee on Senior Citizens at Special Committee on Persons with Disabilities.
Ang libreng tests para sa mga kababaihang miyembro ng Philhealth ang siya rin isinusulong ni Tingog Partylist Rep Yedda Marie Romualdez.
Batay sa datos nitong August 2023, 86,484 ang cancer cases sa bansa kada taon at sa nasabing bilang ay 27,163 ang breast cancer cases.
Ikatlo din ang breast cancer na sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan o nasa 9,926 kaso.
Isinusulong ni Tulfo na kada taon ay maka-avail ng libreng mammogram at ultrasound test ang mga kababaihan bilang preventive measure laban sa sakit na cancer.
Sa panig ni PhilHealth Regional Office NCR Vice Pres. Bernadette Lico sinabi nito na kanila nang pinag aaralan ang suhestiyon ng mga mambabatas at maaari itong maibigay sa oras na mailatag na ang comprehensive allocation benefit package ng PhilHealth. Gail Mendoza