NAGPALAKPAKAN, nagbatian, nagtalunan at nag-iyakan ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nang maipasa nila ang P7.2 trilyong badyet para sa 2027.
Ang saya nila, naluha pa sa tuwa. Aba’y bakit?
Natapos na raw kasi ang kanilang pagpapagod at pagpupuyat para mabuo ang budget na wawaldasin next year.
Sakripisyo ang tawag nila sa kanilang ginawa.
At parang gusto nila sabihin, mabuhay tayong TAX PAYERS!
Ang TAUMBAYAN na palagi nilang bukambibig.
Pero tayo nga bang TAX PAYERS ang makikinabang?
Oo…maniniwala sana tayo kung hindi sumabog ang flood control scandal.
Kung hindi pa rin bumabaha. Kung matiwasay ang buhay ng mga magsasaka.
Kung mababa ang halaga ng mga bilihin. At kung hindi natin nabalitaan ang pagtangay nila ng male-maletang pera mula sa ating buwis.
Naluha sila kasi’y masaya na naman sila’t may paglalaruan na namang pera ng ating kaban.
Sila lang ang nakaaalam kung paano ‘yan paiikutin upang maging malaki nilang pakinang.
Sila ang nagpanukala. Sila ang nag-apruba…kaya natural na sila-sila ang nakakikita kung saan sila kikita. Sarili nilang LARO iyan.
Tayo nakatanghod lang. Tayo, magbabayad lang ng kung ano-anong buwis.
Sa 2027, asahang hirap pa rin tayo. Mataas pa rin ang presyo ng bigas, asukal, asin, mantika at kung ano-ano pa.
Lumalaki ang kanilang kita sa paglalaro sa badyet pero ang kita natin ay hindi pa rin lumalaki. Ang lumalaki at dumarami ay mga gastusin natin sa pamilya.
Ano ba ang pinaghirapan at iniiyak-iyak nila? Ang OA hindi ba?
Nahirapan sila sa pagpirma? Magkano lang naman ang tinta ng ballpen?
Nasa bulwagan sila na may aircondition. Tiyak, masarap ang kanilang meryenda.
E tayo, otso hanggang dose oras na kumakayod…tapos ay mauubos lang sa mga bayarin na lumobo ang presyo dahil sa mga buwis.
Taon-taon sila naglalabas ng badyet para pantustos daw sa TAUMBAYAN.
Pumunta kayo sa public hospital, napakahaba ng pila. Sa health center naman, kulang ang gamot at serbisyo. Patay ka na nga, marami pa ring babayaran.
Para sa taumbayan? NEKNEK N’YO!






