Home OPINION TRIPLE WHAMMY NI PING KAY ALAN, SABLAY?

TRIPLE WHAMMY NI PING KAY ALAN, SABLAY?

1
0

IBA talaga kapag pulitika ang nagpapatakbo sa isang imbestigasyon. Bago pa man lumabas ang buong ebidensya, tila may hatol na agad sa media. Ang mahalaga, may maipukol sa kalaban kahit hindi pa napatutunayan ang mga paratang.

Sa lumang gawi sa pulisya, kapag mahina ang ebidensya laban sa isang tao, naghahanap ng iba pang maikakabit na kaso. Hindi natin sinasabing nagtanim ng ebidensya si Senator Ping Lacson. Pero sa sunod-sunod niyang banat sa mga proyektong may kaugnayan kay Senator Alan Peter Cayetano, ay tila mga kwentong panira ng kalaban.

Unang isyu ang umano’y “ghost projects” sa flood control, kaduda-dudang larawan sa billing at duplicated appropriations. Nararapat itong imbestigahan dahil pera ng bayan ang nakataya.

Pero sa Senate budget hearing noong Setyembre 25, nagkaroon ng lamat ang teorya. Ayon sa ulat, sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na walang natukoy na ghost project sa Taguig sa pangkalahatang pagsusuri, habang iniulat ni Undersecretary Ricardo Bernabe III na may 107 proyekto sa lungsod na may aktuwal na accomplishment.

Maaaring may mali o kulang sa dokumentasyon, pero kung may aktwal na proyekto, naku, hindi basta-basta ito maituturing na multo. Magkaiba ang iregularidad sa papeles at proyektong hindi kailanman itinayo.

Ikalawang banat ang umano’y iligal na reclamation sa Laguna de Bay kung saan 30 ektarya na binubuo ng pitong lote na sinasabing walang pahintulot ng Philippine Reclamation Authority. Dapat itong siyasatin, pero hindi awtomatikong nangangahulugang personal na inaprubahan o nilabag ni Cayetano ang batas.

Ikatlong akusasyon naman ang “fake titles.” Apat na lote na may kabuuang 38.83 ektarya ang sinasabing peke at walang kaukulang rekord sa Land Registration Authority. Pero sa pagdinig noong Setyembre 22, hindi idineklara ng PRA na peke ang mga titulo. Magkaiba ang problemang pangrehistro at sadyang pamemeke, gayundin ang usapin sa lupa at personal na krimen ng isang opisyal.

Tatlong akusasyon, ngunit kailangan pa rin ng malinaw at matibay na ebidensya.

May punto si Cayetano sa kanyang “selective scrutiny.” Kung seryoso si Lacson sa pagsugpo sa anomalya, dapat pantay ang pagsusuri, hindi nakatuon lamang sa Taguig at kay Cayetano.

Bilang dating Philippine National Police chief, alam ni Lacson na ang tunay na hustisya ay hindi naghahanap ng iipitin. Hinahanap nito ang katotohanan, anoman ang pangalan at posisyon ng iniimbestigahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here