SA halalan sa 2025, muling napatunayang “buhay” at “masigla” ang ating ‘American-adopted democracy’ na ang pangunahing batayan ay ang pagkakaroon ng eleksyon kung saan ang lahat ng kwalipikado ay pwedeng tumakbo sa gustong posisyon.
At sa Maynila halimbawa, sadyang marami ang gustong maglingkod (daw) sa mga Manilenyo kung saan LABING ISA ang tatakbong mayor, higit na mas marami sa pitong kandidato na tatakbong vice mayor!
Kung magandang pruweba ito sa ating masiglang demokrasya, ewan lang natin kung magandang balita ito kay ‘incumbent’ Mayora Honey Lacuna?
Dangan kasi, kung inaakala niya at iba pang kandidato na “makukuhanan” nila ng boto si Yorme Isko Moreno dahilan upang siya ay matalo, isa itong malaking kahibangan, err, pagkakamali, sa ganang atin.
Sa ating pagsipat, “sila-sila” na 10-iba pang kandidato ang “mag-aagawan” ng boto dahil “solido” na ang boto ni Isko.
Kung may mabawas man sa boto ni Isko, hindi rin “sigurado” na mapupunta ito kay Mayora dahil nga onse silang lahat na pagpipilian ng mga botante. At bagaman nga labing isa silang lahat, sadyang angat at popular pa rin si Yorme Kois.
Maganda nga kasi ang kanyang iniwan na ‘legacy’ sa City Hall– na aminin o hindi, ay hindi naman talaga nagawang tapatan o lampasan ni Mayora. ‘Nag-backslide’pa nga, sa tingin ng mga miron.
Ano ba kasi ang inatupag ng kanyang administrasyon sa nakaraang tatlong taon? Wala kasing nakitang ‘improvement’ ang kahit sinong nagagawi sa Maynila, huhuhu!
At dahil ‘in the bag’ na ang pagkatalo ni Mayora Honey at iba pang kandidato sa kamay ni Isko, saan ba at kailan ang ‘inauguration’ Yorme Isko?
At invited ba kami o hindi tayo sure? Hehehe!
Abangan!