Home OPINION NAGTATABAANG MGA LANGAW SA PROJECT 4

NAGTATABAANG MGA LANGAW SA PROJECT 4

SAKSI ang mga taga-Project 4 sa isang bagong phenomenon — matatabang mga langaw. Karaniwan na ang mga ito ngayon – ayon sa mensaheng natanggap ko, na totoo namang agaw-pansin. “Tumataba pala ang mga langaw at bangaw, sir!”

Ang siste, nagpipiyesta pala ang mga langaw na ito sa aming komunidad. Karaniwan na kasing tanawin ngayon sa mga kalsada sa barangay ang nakatambak na basura. Ang dating araw-araw na pangongolekta ay naging dalawa hanggang tatlong araw na paghihintay, kaya napipilitan ang komunidad na magtiis sa alingasaw nito, sa panganib na dulot sa kalusugan, at sa sangkatutak na langaw.

Mungkahi pa nga ng kapitan ng Barangay Marilag, huwag daw maglabas ng basura ang mga residente kung wala pa ang trak na kokolekta. Wow, talino nang naisip! So, ano na lang pala ang gagawin ng mga tao — imbakin ang basura sa loob ng kanilang mga bahay na parang mga dekorasyon?

Samantala, nasiraan pa raw ang nakatokang trak ng basura, at sa kabila ng isyung inilatag ng tanggapan ni Rep. Franz Pumaren, wala pa ring malinaw na solusyon ang problema.

Ang pagwawalang-bahalang ito ay lantarang kabiguan ng pamumuno. Kalusugan ng publiko ang nakasalalay, pero mistulang kuntento nang magturuan ang mga opisyal ng barangay at lungsod.

Hindi na kataka-taka na maraming tao sa lugar, lalo na ang mga bata, ang nagkakasakit. Hihintayin pa ba nating magkaroon ng epidemya bago magkaroon ng tunay na aksyon?

Anong nangyari na sa Percy Lapid case?

Madalas sabihing ang hustisyang nauudlot ay hustisyang hindi na mailalapat, at sa kaso ni Percy Lapid — na pinatay noong Oktubre 2022 — mistulang sinasadyang busalan ang katarungan.

Ang utos ni Judge Cesar Huliganga na magsagawa ng DNA testing kay Ricardo Zulueta —pangunahing suspek sa pagpatay kay Lapid — ay hindi pa rin sinusunod ng NBI, at ngayon, para bang sinasabi sa ating paniwalaan na lang sila na si Zulueta ay simpleng “namatay” sa sakit sa puso noong Marso? Nang hindi bineberipika?

Kung hindi pa ito lubhang katawa-tawa, si Gerald Bantag, isa pa umanong utak sa pagpatay, ay nakalalaya pa, lantarang dumadalo sa pampublikong pagtitipon at namataan pa kamakailan sa rally ng Iglesia Ni Cristo. Isa itong panlilibak sa sistema na dapat ay nagpanagot sa kanya.

Naniniwala ang Firing Line na may pananagutan ang administrasyong Marcos — hindi lamang sa pamilya ni Lapid kundi maging sa media industry at sa bansa, na ang kapakanan ang mismong ipinaglaban at pinanindigan ni Percy.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).