
NAGTAPOS na rin ang maliligayang araw ng mga motorcycle enthusiast na ginagawang racing circuit ang kahabaan ng Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (MARILAQUE) road dahil sa agarang deployment ng additional personnel mula sa hanay ng Philippine National Police Highway Patrol Group.
Nangyari ito matapos ang isang aksidente na kinasangkutan ng dalawang riders kamakailan na gumawa ng isang viral motorcycle stunt na naging sanhi ng kamatayan ng isa at ikinasugat pa ng ilang katao.
Nakupo, ito na nga ba ang sinasabi natin, dear readers sa mga nakaraang kolum at vlog sa social media tungkol sa maaaring kahinatnan ng mapaminsalang karera at stunt na ginagawa ng ilang riders sa naturang daan. Hindi tayo nagkulang sa pagpapaalala sa ating mga kababayang rider na na walang habas na nakikipaglaro sa kamatayan habang nagpapasikat sa mga nakapaligid na turista at vlogger.
Bago tayo magpatuloy, ipinahahatid natin ang pakikiramay sa pamilya ng nasawi na si John Louie Arguelles at sana naman ay maka-recover na sa mga tinamong sugat ang isa pang rider, turista at mga mirong vlogger na sangkot sa insidente.
Hindi natin ikinatutuwa ang pangyayaring ito pero kapag nag-scroll kayo sa social media at binasa ninyo ang ilang komento ukol sa viral video ng aksidente, eh’, mas marami pa ang natutuwa sa sinapit ng mga biktima. Huwag naman tayong ganyan mga netizen dahil sa kabila ng inyong pagtawa ay may mga pamilyang nagdadalamhati at nalulungkot sa pangyayari.
Alam ba ninyong pang-labingtatlo na mula pa noong January 1, 2025 ang aksidenteng ito ni Arguelles sa Marilaque? Dagdag pa rito ang naitalang 158 kaso ng road accidents nito lamang nakaraang taon sa kahabaan ng daang ito kung saan kabilang ang tinatawag nilang “devil’s corner”.
Hayyy, sayang ang buhay. Kaya anoman ang “trip” ng mga rider na tumatahak sa mapanganib na daan ngunit mapayapang lugar ng Marilaque gayundin sa ilang vlogger/influencer na tumatambay habang gumagawa ng social media content at hindi man lang kinondena ang mga delikadong stunt ng subject nilang rider, itigil n’yo na iyan.
Maliban sa malawakang pagbabantay ng local government unit at PNP-HPG para pigilan kayo, huwag na ninyong hintayin pa ang malaking posibilidad para sa isang mas malagim na aksidente na tuluyang magpapatigil sa inyo habambuhay. Be a defensive and responsible rider always!!!