Home OPINION Z BENEFIT PARA SA PASYENTENG NAGPAPA-PERITONEAL DIALYSIS AABOT NA SA P1.2M

Z BENEFIT PARA SA PASYENTENG NAGPAPA-PERITONEAL DIALYSIS AABOT NA SA P1.2M

ALINSUNOD sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na patuloy na palalawakin pa ang mga benepisyo sa kalusugan kahit walang subsidiya mula sa gobyerno, itinaas kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Z

Benefit Package nito para sa Peritoneal Dialysis simula Enero 1, 2025. Ang benepisyo ay mayroon nang hiwalay na mga pakete para sa mga matatanda at mga bata.

Ayon sa National Kidney and Transplant Institute, ang peritoneal dialysis (PD) ay isang uri ng dialysis kung saan ang sariling peritoneal membrane ng pas­yente o lining ng mga abdominal organs at body surfaces sa loob ng abdominal cavity ay ginaga­mit bilang artipisyal na mga bato o kidney.

Ang pinahusay na PD packa­ge ay sumasakop sa iba’t ibang modalities ng RRT batay sa edad. Para sa mga adults o matatanda, sagot ng PhilHealth ang Con­tinuous Ambulatory Peritoneal Dialysis (CAPD), at CAPD at Automated Peritoneal Dialysis (APD) para naman sa mga mas batang pasyente.

“Nais naming hikayatin ang paggamit ng peritoneal dialy­sis para sa pasyente na may Chro­nic Kidney Disease Stage 5,” sabi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. “Ang PD ay isang mabisang opsyon bukod sa hemodialysis, hindi la­mang upang bigyan ng awtonomiya at kakayahang pumili ang aming mga miyembro sa modality ng paggamot, kundi upang tiyakin ang kalidad ng buhay at mala­yang paggalaw ng mga pasyen­te,” dagdag niya.

Para sa mga matatandang pasyente, ang coverage ay P389,640 o P510,140, depende sa PD solutions na kaila­ngan ng pasyente bawat araw. Ang package ay dating nasa P270K bawat taon.

Samantala, ang mga benepisyo para sa mga batang pas­yente sa ilalim ng CAPD ay mula P510K hanggang P765,210, ha­bang ang coverage para sa APD ay mula P763K hanggang P1.2 milyon.

Sinasagot din ng PhilHealth ang exit site infection at peritonitis prevention care pati na rin ang ancillary services gaya ng catheter insertion, outpatient treatment ng PD-related peritonitis at laboratory, diagnostic tests, at mga gamot para sa parehong adult at pediatric ca­ses.

Ayon sa PhilHealth Circular No. 2024-0036, ang mga pas­yente na may Chronic Kidney Disease Stage 5 na gagamit ng ganitong uri ng RRT ay kaila­ngang magparehistro muna sa PhilHealth Dialysis Database at sumunod sa umiiral na mga patnubay sa pagiging miyembro. Ang mga pasyente ay dapat ding sumunod sa treatment plan, ka­bilang ang mga follow-up visits. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta o pamamahagi ng mga PD solutions na ibinigay sa kanila.

Bukod dito, ang mga contracted providers o health faci­lities ay ipinagbabawal na mani­ngil ng dagdag na singilin para sa mga essential health services. Gayunpaman, maaari silang ma­ningil para sa mga serbisyo at amenities na hindi kasama sa listahan ng essential health services na saklaw ng package.

Dapat nilang ipaliwanag sa mga pasyente ang anomang co-payment na sisingilin pa sa kanila.

Ang pinahusay na PD Z Be­nefits ay makukuha sa alinman sa 51 contracted PD providers sa buong bansa, ang listahan nito ay makikita sa www.philhealth.gov.ph.

Ang mga miyembro ay ma­aari ring humingi ng karagdagang impormasyon at tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa mga sumusunod na 24/7 touch points: (02) 866-225-88 o sa mga mobile numbers 0998-857-2957, 0968-865-46­70, 0917-1275987 o 0917-1109812.