Home OPINION NAKAKULONG NA SENADOR, MAKABOBOTO BA SA IMPEACHMENT?

NAKAKULONG NA SENADOR, MAKABOBOTO BA SA IMPEACHMENT?

1
0

HINDI ba makaboboto ang senator-judges na pansamantalang nakakulong dahil sa kinahaharap na kasong may rekomendasyong “no bail”?

Sa mga nangyayari sa ngayon, mukhang may mga senador pang makakasuhan at makukulong habang isinasagawa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Inaasahang aabot umano sa pitong buwan ang paglilitis bago ito tuluyang matapos.

Ipagpalagay natin na nag-umpisa na ang pagdinig at apat sa senator-judges ay wala sapagkat sila ay nakakulong. Makaboboto pa ba sila sa loob ng impeachment trial? Ang sagot ay depende sa kung ano ang pagbobotohan. Kung ang pagbobotohan ay tungkol sa mga pinagtatalunang galaw o motion sa kalagitnaan ng paglilitis, hindi sila makaboboto dahil wala sila sa impeachment court. Sa ganitong pagkakataon, ang boto lamang ng mga kasalukuyang naroroon ang kinakailangan upang pagpasyahan ang nasabing usapin.

Ngunit iba ang usapan kapag panahon na ng pagbibigay ng pangwakas na hatol kung dapat bang abswelto o maparusahan si VP Sara dahil sa pagkakataong ito, dapat silang makaboto. Malinaw ang nakasaad: “Walang sinoman ang dapat maparusahan nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng LAHAT ng miyembro ng Senado.”

NO PERSON SHALL BE CONVICTED WITHOUT THE CONCURRENCE OF TWO THIRDS OF ALL THE MEMBERS OF THE SENATE.

Malinaw iyan! Ngunit paano kung hindi makaboto ang isang senador dahil wala siya? Kung wala siya sa pagdinig, SENATOR PA RIN BA SIYA? At kung sakaling hindi siya makaboto ngunit nananatili siyang senador, mababawas ba siya sa bilang na tinutukoy na “lahat ng miyembro ng Senado”?

Paano naman kung halimbawa, ang senador na nakakulong noong nagsimula ang pagdinig ay nakapaglagak ng piyansa o napawalang-sala sa kasagsagan ng paglilitis—ngunit wala pa rin siya o absent sa mga nakatakdang araw ng pagdinig—pwede ba siyang bumoto para sa hatol ng pagkakasala o pagpapawalang-sala kay VP Sara?

Oo naman! Dahil nananatili siyang senator-judge. Ang mahalaga ay naroon siya sa araw na ILALABAS ANG HATOL. Ang kinakailangang dalawang-katlong boto mula sa lahat ng miyembro ng Senado ay sinusukat sa mismong araw ng pagboto ng hatol at hindi sa mga nakaraang araw ng paglilitis.

Paano naman ang magiging basehan ng kanyang desisyon kung wala siya sa mga naunang pagdinig? Aba’y may opisyal na talaan ng mga nangyari, mga isinumiteng paliwanag at dokumento, pati na rin ang mga video ng paglilitis. Maski wala siya sa mga nakaraang pagdinig, maaari niyang suriin at pag-aralan ang lahat ng ito upang makabuo ng tamang desisyon ukol sa hatol.

Walang pagkakaiba ito sa kaso ng isang hukom na nagsimula ng pagdinig ngunit nagbitiw, napalitan, o nawala sa pwesto sa kalagitnaan ng proseso—ang pumalit na hukom ang magpapasya, hindi ang dating hukom kahit pa siya ang nagpasimula ng kaso.

Kaya ang matagal na debate kung 16 na boto ba ang kailangan upang parusahan si VP Sara ay magiging “moot and academic” o walang kabuluhan kung sa araw ng hatol ay naroroon ang buong 24 na senador. Dahil sa inaasahang pitong buwang tagal ng paglilitis, malaki ang pag-asang makakumpleto rin ang kanilang bilang sa pinakamahalagang araw na iyon—at iyan mismo ang sitwasyong pilit iniiwasan ng panig ng prosekusyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here