
NAKABABAHALA na nga ang kahirapan at gutom sa Pilipinas, ‘yang siraan at pamumulitika pa ang higit na inaatupag ng mga opisyal ng pamahalaan.
Noong kalagitnaan ng Nobyembre 2024, natagpuan ng Octa Research na umariba ang bilang ng mga nagsabing naghihirap sa 13.2 milyong pamilya o may nadagdag umanong 1.8M pamilya mula sa ikatlong kwarto ng 2024.
Kapag kinuwenta ang 13.2M pamilya sa 5 miyembro ng isang pamilya, malinaw na 66 milyon katao ‘yan.
Sa kalagitnaan naman ng Disyembre 2024, lumabas ang hiwalay na sarbey ng Social Weather Station at lumitaw na umabot sa 63% ang nagsabing mahirap sila.
Kapag kinuwenta naman ito sa mahigit 110 milyong Pinoy, nasa 76 milyon ‘yan.
Ipagpalagay nang magkaiba ang kabuuang bilang ng mga nagsabing mahirap sa magkahiwalay na sarbey, hindi nangangahulugang may kasinungalingan dito.
Lalo’t pareho ang Octa at SWS na nagsasabing mismo ang mga Pinoy ang nagsasabing mahirap sila.
At nakita ng dalawang grupo na dumarami ang naghihirap.
Siyempre pa, kakambal ng kahirapan ang gutom na parehong natagpuan ng Octa at SWS na dumarami rin.
Ayon sa Octa, dumami ang nagugutom mula sa 2.9M pamilya noong Agosto 2024 sa 4.2M pamilya noong kalagitnaan ng Nobyembre 2024.
Sinabi naman ng SWS na lumundag sa 44% ang nakaranas ng gutom noong 2024 sa 35% lang noong 2023.
Kung milyones ang paglundag ng bilang ng mga naghihirap at nagugutom kahit sa ilang buwan lamang at hindi taon, dapat na mabahala ang pamahalaan at gumawa ng paraan.
Ang siste, mga brad, mas inuuna pa ang paninira sa isa’t isa at pamumulitika ng mga lider ng bansa.
Hindi ba korapsyon o pagpapayaman sa pwesto at kapabayaan sa mga mamamayan ang mga pinag-uugatan ng kahirapan at gutom?
Hindi pa huli na maisip ng mga korap at pabaya sa gobyerno na higit nilang unahing harapin ang kahirapan at gutom ng milyon-milyong mamamayan kaysa magsiraan at mamulitika.