KASALUKUYANG tila nalululong ang maraming opisyal ng gobyerno sa agawan sa kapangyarihan para makapagpayaman kaysa sa asikasuhin ang higit na mabibigat na problema na nagpapahirap sa mga mamamayan.
Tingnan ninyo, ang impeachment ang pinag-aaksayahan ng maraming panahon lalo na ng Kamara at Senado at hindi rin ligtas dito ang Palasyo o Ehekutibo.
Sa usaping ito mabunganga ang matataas na opisyal, ibinoto at hindi, ngunit tila tahimik sila sa ngayo’y malawakang paghihirap ng higit na nakararaming mamamayan, lalo na sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na bunga ng krisis sa langis.
Makatuon ang mata o atensyon ng mga opisyal sa kung paano palubugin o palutangin ang isa’t isa lalo mabilis na dumarating ang halalang presidensyal na nakatakda sa 2028…kung matutuloy ito at hindi magkakudeta o mag-people power o mag-martial law kung may matinding kaguluhan na maganap.
IMPLASYON O MAHAL NA PRESYO NG MGA BILIHIN
Ang higit na gustong malunasan, sa totoo lang, ng mga mamamayan ay kung paano makasubayb sa sobrang kahirapan na bunga ng napakamamahal nang bilihin na bunga naman ng krisis sa langis na nakaapekto rin sa gamit sa produksyon maging sa agrikultura.
Ayon mismo sa Philippine Statistics Authority, umabot sa 7.2 posyento ang pangkalahatang implasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong nakaraang buwan.
Ipinapatong sa presyo ng mga produkto o bilihin ang mahal na konsumo sa diesel, gasolina, natural gas, aviation fuel at fertilizer ng mga nagbibiyahe, ng mga pabrika, farm at pangisdaan na tagagawa ng mga produktong industriyal, komersyal at agrikultural, ng mga tagalikha ng kuryente at iba pa.
Nakadagdag na rin dito ang pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa dolyar na masama sa mga imported na produkto o bilihin.
Paliwanag ng PSA, sa pagkain lamang, ang bigas ay nagmahal ng 13.7%, mais – 21%, gulay, tubers gaya ng patatas o kamote, plantains gaya ng saging, cooking bananas at pulses gaya ng beans – 10.4%.
Alam ba ninyo na kalahati ng kabuuang konsumong pagkain natin ay binubuo ng mga nabanggit na pagkain at sila ang pangunahing laman ng ating mga hapag-kainan?
Siyempre pa, para sa milyon-milyong maliliit na naghahanapbuhay na nagbibiyahe ng lahat ng produkto, ramdam na ramdam nila ang bigat ng mahigit doble na gastos, lalo na sa diesel at gasolina, kaya marami sa mga ito ang nakaisip na huminto na lang gaya ng maraming jeepney driver at tricycle driver at ngayo’y naghihirap at nagugutom.
May ayuda naman sa kanila ngunit malinaw namang hindi sapat at saka libo-libo pa nga ang hindi naayudahan.
Sa totoo lang, kasama na rito ang mahigit 50,000 na tsuper ng TNVS at mahigit 100,000 driver ng motorcycle taxi na itinuturing pang mga kolorum.
Sabi ng mga mamili, sa P1,000, iilang supot na lang ang katapat nito sa palengke kumpara sa katapat nito bago magka-krisis sa langis.
KUMILOS KAYO
Please naman, pakinggan ninyo, mga honorable, ang mga hinaing ng bayan laban sa implasyon at kumilos kayo laban dito sa halip na mamulitika para lang makapagpayaman o makakikbak nang male-maletang salapi sa pwesto.






