SA pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), ang panalangin ang nangungunang paraan ng mga Filipino upang harapin ang stress at pressure sa araw-araw na buhay.
Batay sa nasyonal na survey na isinagawa sa 1,500 Filipino na nasa hustong gulang, 16 porsyento ang nagsabing umaasa sila sa panalangin o iba pang espiritwal na gawain para mabawasan ang stress.Kasunod nito, 14 porsyento ang nagpahinga o natutulog bilang paraan ng pag-relax, habang 11 porsyento ang lumalabas o naglalakbay upang maglibang at makapag-recharge.
Iba pang paraan ng pagharap sa stress ay ang pagiging positibo (7 porsyento), pagtutok sa trabaho o pag-aaral (6 porsyento), at pagpapalampas o paglimot sa problema (6 porsyento). Limang porsyento ang nagsabing kasama ang pamilya o nag-eehersisyo upang maibsan ang stress, samantalang apat na porsyento ang naglalaro, gumagawa ng mga gawaing bahay, o nanonood ng TV at pelikula.
Kabilang din sa iba pang nabanggit ang pagkain, pagkanta, o pakikinig sa musika (4 porsyento), at dalawa porsyento ang gumagamit ng social media o umiinom ng alak bilang coping mechanism. Iilan lamang ang nagsabi ng paghahalaman, paninigarilyo, pag-iyak, o paghahanap ng tulong medikal.
Ayon sa SWS, ang tatlong pangunahing paraan ng pagharap sa stress na panalangin, pahinga, at paglabas, ay nananatiling pareho sa mga taong madalas o matindi ang nararanasang stress sa araw-araw.
Kadalasang nagmumula ang major stress sa aspekto ng pananalapi, kalusugan, trabaho o pag-aaral, at pamilya.
Napansin rin sa survey ang pagkakaiba sa kasarian at rehiyon pagdating sa coping styles.
Mas maraming kababaihan kaysa kalalakihan ang umaasa sa panalangin na nasa 20 porsyento kumpara sa 12 porsyento. Sa rehiyon naman, nanguna ang panalangin sa Balance Luzon at Metro Manila, samantalang pahinga o tulog ang pangunahing paraan sa Mindanao at Visayas.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula September 24 hanggang September 30, 2025, na may pambansang margin of error na plus o minus 3 porsyento. Ayon sa SWS, ang survey ay hindi commissioned at layuning magsilbi bilang pampublikong serbisyo upang mas maunawaan ang mental health habits ng mga Filipino.






