Home OPINION PILIPINAS MASWERTE PA RIN SA ISDA

PILIPINAS MASWERTE PA RIN SA ISDA

KAHIT saan sa mahal kong Pinas, may mga isda.

Hindi lang ‘yan, mayaman tayo sa isda bagaman dumarating ang mga panahong may overfishing sa ilang lugar at kailangan ipagbawal ang pangingisda hanggang sa magkaroon uli ng mahuhuli.

Ipinagbabawal din ang pangingisda sa panahon ng panganganak at pagpapalaki ng fingerlings.

Hindi naman makapangisda ang mga mangingisda sa ilang lugar dahil sa sigalot gaya ng nagaganap sa West Philippine Sea o kaya sa pagputok ng bulkan gaya sa Taal Lake sa Batangas.

May ilang lugar namang marami ang huli ngunit hindi naman mabili dahil sa amoy at lasang burak mula sa polusyon, lalo na kung tag-araw.

PESTE SA ISDA

Tinatalakay natin ang yaman natin sa isda dahil sa nagaganap sa ibang bansa na sana’y hindi mangyari sa atin.

Sa Brazil, makaraan ang matinding ulan kamakailan, nagkaroon ng baha at iniluwa ang mga tabang na isda sa dagat.

Hayun, nagkapeste ng matindi, naging polusyon sa kapaligiran ang milyones na isdang namatay at namaho at nawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda.

Sa Bustillos Lagoon sa Chihuahua, Mexico, nagkaroon ng grabeng peste ng mga isda simula nitong Hunyo 8, 2024.

Napeste ang mga isda dahil sa pagkatuyo ng malaking katubigan sa bunganga ng ilog sa Chihuahua sa matagal nang kawalan ng ulan sa nasabing lugar.

Dahil dito, hindi lang mangingisda ang nawalan ng hanapbuhay kundi maging ang mga obrero sa turismo lalo’t isang tourist spot ang lugar.

ISDANG PESTE SA IBA

Sa Thailand naman, 13 probinsya ang mabilis na nawawalan ng isda, hipon at itlog ng shell dahil pinupulutan ang mga ito ng black-chinned tilapia na imported mula Africa.

Nagdeklara na ang pamahalaang Thailand ng giyera laban sa pesteng tilapiang ito na nakakalat na maging sa tubig-alat ng Thailand.

Malaking negosyo ang isda at fingerlings, hipon at itlog ng mga shell sa Thailand.

Iniimbestigahan na ang pinagmulan ng alien fish kung tawagin at iniuugnay sa isang kompanyang gumagawa ng feeds sa hayop.

Todo deny to death naman ang nasabing kompanya at sinabing ibinaon nila lahat sa lupa ang kanilang mga black-chinned tilapia.

Sa Pinas, halos ganito rin ang naging problema natin sa noo’y janitor fish na lumalantak sa maliliit na isda sa Laguna Lake at kumalat na rin ito sa Kabisayaan.

Pero ang maganda, hinuhuli at nilalantakan na rin ang janitor fish bilang ulam bagama’t kalahati lang ng katawan nito ang may laman.

SANA WALANG PESTE

Sana hindi maganap sa atin ang mga nasabing kondisyon na nagdadala at nagbubunga ng malakihan at malawakang peste sa isda.

Lalo na kung isiping nagbubunga at nagdadala rin ang mga ito ng pagkawala ng hanapbuhay hindi lang sa mga mangingisda kundi sa mga obrero at negosyante.

Apektado rin mismo ang pamahalaan sa pagkawala ng makokolekta nitong buwis mula sa mga apektafong mamamayan at empleyong isinusulong nito.