Home HOME BANNER STORY Pinangyarihan ng landslide, no-build zone – Davao de Oro LGU

Pinangyarihan ng landslide, no-build zone – Davao de Oro LGU

MANILA, Philippines – Nauna nang idineklara ng lokal na pamahalaan na “no-build zone” ang lugar na pinangyarihan ng landslide sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.

“Meron ng policy na ‘No Build Zone’ sa area. Ang mga tao d’yan pina-relocate sila sa may resettlement site ng APEX Mining at Barangay Kinuban in Maco, pero sa katigasan ng ulo ng mga tao bumalik sila roon,” sinabi ni Edward Macapili, executive assistant ng probinsya.

Sa huling tala ay aabot na sa 27 ang bilang ng mga nasawi sa naganap na landslide.

Mayroon pang 89 na katao ang nawawala at 32 ang sugatan.

Nagsagawa ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region 11 ng aerial inspection sa landslide site upang makita ang lawak ng pinsala.

Ayon sa ahensya, mahina na ang lupa sa lugar at nakapwesto pa sa Philippine fault.

“Yung area po nayun ay nasa Philippine Fault, yung Philippine Fault Zone po kasi galing pa po sa Luzon ang segment sa Mindanao nag-transect sa Masara area. Sa tectonic setting niya pa lang, weak na po talaga siya malakas ang ulan which is triggering factor and ang terrain is steep kaya gano’n kadelikado ang Masara line in terms of landslide,” ayon kay Capter Tubo, MGB-11 chief geologist.

Noong 2007 at 2008 ay may naganap na ring landslide sa kaparehong lugar.

Sa geohazard mapping na isinagawa sa lugar noong 2011 at 2014 ay nakitang prone sa landslide ang lugar.

‘’We recommended for the relocation of Barangay Masara. In 2018, nagkaroon tayo ng another updating. Meron po tayong vulnerability and risk assessment. Ang Masara landslide po is already delineated and identified,” ani Tubo.

Nasabi na rin umano ng opisyal ng MGB ang resulta ng pag-aaral sa lokal na pamahalaan upang makapagsagawa ito ng aksyon.

“I think they are aware kasi po ang mga reports namin ay ineendorse namin sa local government units especially the municipal risk reduction and management offices,” aniya.

Sinabi naman ng Office of Civil Defense (OCD) na hindi madali ang relokasyon ng isang buong barangay.

Ang mga residente na ililipat sa ibang barangay ay nangangailangan ng pangkabuhayan, tirahan at imprastruktura upang mabuhay sa bagong environment.

“Tulad ng relocation sa Tacloban, inilipat sa ibang parte ang mga mangingisda sa bundok na walang alternative livelhood, kulang sa pasilidad at malaking hamon ang pananatili doon. Kailangan maging sustainable ang relocation sites at programang nagpapatupad nito,” pahayag ni OCD spokesperson Edgard Posadas.

Patuloy na iniimbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources ang insidente at titignan kung mayroon pang ibang aktibong landslides. RNT/JGC

Previous articleComelec: Voter registration, all set na!
Next articleBea-Dom breakup, nahaluan ng pulitika!