
ANG lakas talaga ng loob nitong si Palace Press Officer Usec Claire Castro na maghayag ng mga bagay-bagay na wala namang suporta mula sa mga kinauukulan na siyang may kinalaman sa katotohanan.
Matapos ang pangyayari sa Myanmar kung saan niyanig ito ng magnitude 7.7 na lindol, tiniyak ni Castro na nakahanda ang pamahalaan sakaling dumating ang “The Big One” o makaranas ng napakalakas na lindol ang bansa.
Binigyang-diin ni Castro na patuloy ang ginagawang information dissemination at ang pagsasagawa ng earthquake drills ng pamahalaan at maging ang mga “go bags” ay ready na.
Pero bakit sinasabi naman ng Office of the Civil Defense na hindi tayo handa. Ano ba talaga?
Sabi ni OCD Administrator Usec Ariel Nepomuceno, hindi kailangang pagandahin ang sagot kaya ang dapat ay maghabol ang mga tanggapan na may kaugnayan sa posibleng pagdating ng mga sakuna tulad ng inaasahang “The Big One.”
Ang naganap na 7.7 magnitude earthquake na tumama sa Myanmar noong Biyernes ay kumitil ng mahigit 1,600 buhay at libo-libong tahanan din ang nawasak.
Sa ulat na ipinalabas sa “24 Oras Weekend” noong Linggo, sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Dr. Teresito Bacolcol na tinatantiya ng kanilang ahensya na ang death toll ay posibleng umabot sa mahigit 51,500 mula the Big One; 33,500 mula sa lindol, may karagdagang 18,000 mula sa apoy kasama ang 100,000 sugatan.
Sabi nga ni Nepomuceno, sakaling tumama ang malakas na lindol, karamihan ng mga Pilipino ang alam para iligtas ang kanilang mga sarili ay “duck, cover and hold” sapagkat ito ang itinuturo sa kanila sa nationwide earthquake drill.
Hindi, aniya, sigurado pagdating sa mga istraktura sapagkat hindi pa madetermina ng pamahalaan kung gaano katibay ang mga gusali at tulad. Kailangang -retrofit ang mga ito lalo na ang mga paaralan at health centers.
Sabi ni Castro, ipinag-utos na ng pamahalaan sa mga local government units ang istriktong pagsasagawa ng inspeksyon sa mga gusali.
Malamang, maglalabas na naman ng panibagong tala ng gastusin ang LGUs para sa inspeksyon at isa na naman itong daan sa pagkakaroon nang maibubulsa ng mga nasa pamahalaan.
Ah, handa nga ang pamahalaan. Handa na namang maglabas ng gastusin na sinasabing para sa kapakanan ng mamamayan pero malamang sa alamang, pasok sa bulsa ng iilan.
Happy April Fools Day. Baka niloloko lang tayo ng pamahalaan sa pahayag nito. Ha! Ha! Ha!