SA panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente, tubig, at pangunahing bilihin, halos bawat pamilya ay naghahanap ng paraan upang makatipid. Ngunit sa ating hangaring mapababa ang gastusin, hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng ating tahanan. Ang tunay na pagtitipid ay hindi lamang nasusukat sa perang natitira sa bulsa kundi sa kakayahang maiwasan ang aksidente, sakit at mas malaking gastusin sa hinaharap.
Marami ang nagkakamali, dear readers, sa paggamit ng mumurahing electrical extension, overloading ng saksakan, o pag-aayos ng sirang kable nang walang sapat na kaalaman. Ang ilang daang pisong natipid ay maaaring humantong sa sunog na tutupok sa kabahayan at maglalagay sa panganib sa buhay ng pamilya. Aksidente rin ang maaaring kahinatnan dahil sa paggamit ng depektibong LPG cylinder, hose, lumang regulator, at hindi sertipikadong electrical appliances.
Ang simpleng pagpatay ng ilaw at appliances kapag hindi ginagamit, paggamit ng LED bulbs, regular na paglilinis ng electric fan at air conditioner, at agarang pagkumpuni ng tumutulong gripo ay mga halimbawa ng pagtitipid na hindi isinasakripisyo ang kaligtasan. Mahalaga rin ang pagsasagawa ng regular na inspeksyon ng electrical wiring, pagkakaroon ng smoke detector, fire extinguisher, at malinaw na evacuation plan sa loob ng bahay.
Bilang isang pamilya, dapat ding turuan ang mga bata tungkol sa masinop na paggamit ng kuryente, pag-iwas sa paglalaro malapit sa kalan o saksakan, at emergency procedures sakaling magkaroon ng sunog o lindol.
Isang pagtitipid din ang kooperasyon ng bawat isa sa pagpapanatili ng kalinisan ng kabahayan. Makaiiwas tayo sa dengue, leptospirosis, pneumonia at iba pang uri ng mga sakit.
Ang pagiging proactive, kahandaan at consistent na pagmamalasakit ng bawat miyembro ng pamilya ay isang magandang investment para sa isang tahanang ligtas, malusog, maayos, at mulat sa anomang panganib. Ang matalinong pagtitipid ay hindi tungkol sa pagpili ng pinakamurang bagay, shortcut na pamamaraan o paghahanap ng libreng proseso, kundi sa paggawa ng mga desisyong nagbibigay ng pangmatagalang benepisyo.
Lagi nating tandaan na mas mura ang pag-iwas sa aksidente at sakit kaysa sa halaga ng isang injury at isyung pangmedikal. Ang perang natipid ay tunay na may halaga lamang kung ang bawat miyembro ng pamilya ay ligtas at nakauuwi sa isang tahanang ligtas, malusog at payapa.






