Home Uncategorized Takas na Tsino naaresto sa Makati

Takas na Tsino naaresto sa Makati

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese na pinaghahanap ng mga awtoridad sa People’s Republic of China (PROC) dahil sa economic crimes sa isinagawang operasyon sa Makati City nitong Martes.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, inaresto si Chen Xiao Bang, 29, sa kahabaan ng Vito Cruz Extension, Bgy. La Paz, Makati City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Tansingco na si Chen ay nasa wanted list din ng BI dahil inutusan na siyang i-deport at i-blacklist ng bureau noong nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien.

“Thus, members of the arresting team were armed with a deportation warrant which I signed pursuant to a summary deportation order that was issued against him by the board of commissioners,” ani Tansingco.

Idinagdag ng BI chief na ililipad si Chen sa China sa sandaling makuha ng bureau ang mga kinakailangang clearance para sa kanyang deportasyon.

“Meantime, he remains confined in our detention center at Camp Bagong Diwa, Taguig City while awaiting his flight,” dagdag pa ni Tansingco.

Ibinunyag naman ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na si Chen ay inisyuhan ng arrest warrant ng Pudong branch ng public security bureau sa Shanghai, China dahil sa pandaraya na investment scam.

Siya ay inakusahan ng pakikipagsabwatan sa iba pang mga suspek sa pagsasagawa ng isang scam na diumano ay nanloloko sa mga namumuhunang Tsino ng higit sa 3 milyong Chinese yuan, o higit sa US$412,000 mula noong 2018.

“His passport has been revoked by the Chinese government which made him an undocumented alien who is subject to immediate deportation,” ani Sy.

Batay sa travel rekord, ipinakita na dumating si Chen sa Pilipinas noong Agosto 25, 2019 at hindi na umalis mula noon. Jay Reyes