BILANG pakikiisa sa layuning wakasan ang child labor sa bansa, namahagi ang DOLE o Department of Labor and Employment Region 12 Cotabato Field Office ng livelihood starter kits sa mga magulang ng child laborers sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa Barangay La Fortuna, M’lang, Cotabato kamakailan.
Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng mga livelihood kits tulad ng carinderia packages, welding machine, manicure, carpentry, gardening, at car wash packages.
Kapag may livelihood kits na ang mga magulang, makakaisip na sila palaguin ang kanilang kita hanggang sa lumakas ang kanilang kita.
Ang programa ay naglalayon na mabigyan ang mga magulang ng pagkukunan ng kita at makatulong na mabawasan ang kanilang pinansyal na pangangailangan na kadalasang nagtutulak sa mga bata sa pagtatrabaho.
Sa pamamagitan nito, nagsisilbing tulay ang Kagawaran sa pagkamit nila ng financial stability habang tinitiyak na ang mga bata ay magkaroon ng pagkakataong manatili sa paaralan at maranasan ang pagiging batang malaya.
Nanguna sa nasabing inisyatiba sina Labor and Employment Officer II Rica Mea Pepugal, Livelihood Development Specialist George Stephen Lasaga, M’lang Public Employment Service Office (PESO) Manager Mary Ann Cortado, M’lang Vice Mayor Joselito Piñol, at iba pang mga lokal na opisyal.
Ang DILP o Kabuhayan Program ay isa sa mga programa ng DOLE na nagbibigay ng tulong at kapasidad na makapag-negosyo ang mga vulnerable, disadvantaged, at marginalized na mga manggagawa.