Home METRO 3 most wanted timbog sa manhunt ops sa Las Piñas

3 most wanted timbog sa manhunt ops sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Sa pagsasagawa ng magkahiwalay na manhunt operations ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Station Intelligence Section (SIS) ng Las Piñas City police ay nadakip ang tatlong most wanted persons (MWP) na may mga kasong rape, sexual abuse at carnapping nitong Biyernes, Marso 22.

Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang mga suspects na sina alyas Vince, 19; Mark Jayson de Mesa, 30; at alyas Win, 32.

Unang nadakip si alyas Vince, na tinaguriang Top 5 wanted person sa buwan ng Marso dahil sa kasong rape, dakong alas 2:30 ng hapon sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas City, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni issued by Las Piñas City Family Court (FC) Judge Mildred Jacinto Marquez ng Branch 2 noong Pebrero 26, 2024 na walang rekomendasyon na piyansa.

Sumunod na naaresto si De Mesa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu din ni Judge Marquez dakong alas 3:30 ng hapon sa Barangay Talon Tres dahil sa kasong acts of lasciviousness at sexual abuse kung saan tinagurian din ito bilang Top 8 wanted person sa ilalim ng district level.

Sa inilabas na kautusan ni Judge Marquez ay may kaakibat namang rekomendasyon ng piyansa para kay De Mesa sa halagang P800,000.

Ang ikatlo namang hinuli dahil sa kasong carnapping ay si alyas Win na naitala bilang Top 6 wanted person para sa buwan ng Marso.

Si alyas Win ay nadakip sa bisa rin ng warrant of arrest, na inisyu naman ni Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Judge Phoeve Castillo Meer ng Branch 275, dakong alas 4:40 ng hapon sa Barangay CAA, Las Piñas City na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P300,000.

Ang mga inarestong suspects ay kasalukuyang nakapiit sa Las Piñas police custodial facility habang naghihintay ng commitment order na magmumula sa korte para sa paglipat ng kanilang pagkukulungan sa Las Piñas City jail. James I. Catapusan

Previous articleBinatilyo patay sa dump truck
Next articleTransport rally sasalubong sa Lunes Santo