Home OPINION ALAMIN, MGA PASYALANG MALAPIT NA SA METRO MANILA, SWAK PA SA BUDGET

ALAMIN, MGA PASYALANG MALAPIT NA SA METRO MANILA, SWAK PA SA BUDGET

HINDI pa panahon ng tag-init ayon sa PAGASA pero ramdam na ramdam na natin ang maalinsangang panahon. Kaya naman patok ang mga malalamig na lugar na puwedeng pasyalan kapag weekend. Hindi na kailangan pang lumayo sa Metro Manila at hindi mabigat sa bulsa.

Kung ang hanap mo ay magandang tanawin ng kalikasan, may kalamigang temperatura umaga, hapon hanggang gabi, dayuhin na ang mga lugar na ito.
Bukas ang mga ito mula 6:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.

– Cita Verde na nasa Barangay San Juan, Antipolo City.

– Casa Peregrine Resort and Restaurant sa San Mateo, Rizal.

Sa halagang Php 50.00 lamang ay makikita na sa view deck ng mga lugar na ito ang kulumpon ng mga ulap sa bukang liwayway. Talaga namang instagrammable.

Puwede ring mag-stay rito dahil may mga kubo o kuwarto na maaaring upahan sa murang halaga lamang. Binabalik-balikan sa Casa Peregrine ang masasarap na putaheng Filipino katulad ng crispy pata at sizzling pork sisig.

Kung picnic naman ang hanap sa may kalamigang lugar, nandiyan ang:

– Daang Hari campgrounds sa Liliw, Laguna.

– Celossian Flower Farm sa Sitio Tamalan, Pinugay road, Baras, Rizal.

– Hinulugang Taktak sa Barangay Dela Paz, Antipolo City.

– Santi’s Farmhouse sa Pililla, Rizal.

– Picnic Grove at People’s Park na kapwa nasa Tagaytay City.

Isama ang buong pamilya, barkada o romantic partner, masarap kumain habang nakatanaw sa kagandahang biyaya ng kalikasan.

Nasa Php 50.00 pesos din ang entrance fee maliban sa Picnic grove na Php 75.00 pesos.

Sa Celossian Farm nga, puwede ka pang manguha ng mga bulaklak sa murang bayad lamang at makabili ng sari-saring gulay.

Para ka namang nasa Bangui, Ilocos Norte dahil malapitan mong makikita ang naglalakihang wind turbines sa Pililla.

Kung hanap mo naman ang lugar kung saan puwedeng ma­lalim na makapagsagawa ng pagmumuni-muni ngayong Semana Santa, rekomendado namin ang TANAW Park o ang Tanay Adventure Nature and Wildlife Park sa Tala, Rizal.

Para marating ito, maaaring sumakay ng tricycle na bibiyahe ng 30 minutes, kung lakad naman ay aabot ng dalawang oras.

Mararating ang “Noah’s Arc” na nasa ibabaw ng Tayak hill sa paglalakad sa hagdang bato.

Sa ibabaw ay makikita ang may kalakihang Krus. Mula rito ay matatanaw ang seven lakes ng San Pablo city at ang kamangha-manghang Mount Banahaw – San Cristobal Protected Landscape. Nasa Php80.00 lamang ang entrance fee sa parke.

Kung nais naman na magtampisaw sa tubig na mas malamig pa sa yelo, puntahan ang may taas na 15 meters na Taytay Falls sa Dalitiwan river, Barangay Taytay, Majayjay, Laguna. Sa hala­gang Php50.00, tanggal ang maalinsangang panahon.

Kaya ano pa ang inyong hinihintay, pasyalan na ang mga lugar na aming itinampok. Mabawasan na ang init at ma-relax ka na, makapag-bonding pa ang pamilya o ang barkada.

Previous articleP200K marijuana nasamsam, suspek arestado
Next articleVALENZUELA REINSTITUTES ‘BANTAY SUNOG’ VOLUNTEERISM CORE