NATAPOS na ni Pangulong BBM ang unang taon ng kanyang administrasyon. Sa palagay ko lang naman, parang mabigat sa kalooban ng ilan nating mga kababayan na bigyan ng pasang-awang grado ang gobyernong ito. Isa-isahin nga natin kung bakit.
Sa sitwasyong siya na nga ang Presidente at siya rin ang Secretary ng Dept. of Agriculture, inaasahan ko na mabibigyan niya ng prayoridad at siguruhing merong sapat, masustansya at murang pagkain ang mga Pilipino. Di nga ba, pangako n’yang gagawing bente pesos ang bawat kilo ng bigas?
Pero ang nakita natin ay sunod-sunod na krisis ng bigas, asukal, sibuyas at pagmahal ng presyo ng karneng baboy at isda. Hindi rin nasolusyunan ang ‘foot-and-mouth disease’ at ‘Avian flu’ kaya halos bumagsak ang livestock industry, lalo na sa mga probinsya.
Ang solusyon ng Kagawaran ng Agrikultura ay dagdag na import para raw mabilis na mapababa ang presyo ng mga pagkain. Bumaba ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin natin? Smugglers at importers lang ang nakinabang. Talo pa rin ang mga maliliit na magsasaka at lalong talo ang konsyumers na nagtitiis sa mataas ng presyo ng bilihin.
Sa usapin naman ng kalikasan, bagsak na grado ang ibibigay ng mga makakalikasang grupo dahil daw mas naging agresibo ang pagmimina sa mga isla natin. Ang kaso ng maarahas na ‘dispersal’ sa Sibuyan Island, Romblon at ang matagal na protesta ng mga magsasaka at katutubo sa bayan ng Brooke’s Pt., Palawan laban sa nickel mining na nag-o-operate ng walang business permit.
Huwag din daw natin kalimutan ang mga isyu ng oil spill sa Mindoro, ang pagbubukas ng usapin sa nuclear energy at ang pagpapapabilis sa Kaliwa Dam sa Sierra Madre. Patung-patong na dagok daw ang nakuha ng kalikasan nitong nakaraang taon sa gobyerno ni PBBM.
Sa ilalim ng maraming problema ng bansa, inuna pa ng Kongreso na ipasa ang Maharlika Investment Fund o MIF. Kahit na nga ba maraming tutol sa batas, lalo na ang mga eksperto sa economics.
Dahil sa mga rason na ito, tila bagsak ang grado ng gobyerno ni Marcos, Jr., sa unang taon ng kanyang panunugkulan.