Home NATIONWIDE Pagbabawal sa Filipino dubbing ng English programs pinalagan ng KWF

Pagbabawal sa Filipino dubbing ng English programs pinalagan ng KWF

MANILA, Philippines- Pinalagan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mungkahing ipagbawal ang Filipino dubbing ng mga pelikula at programa sa wikang Ingles na ipinalalabas sa Pilipinas.

“Nagkakaisa ang Lupong Tagapagpaganap ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sina Kom. Arthur P. Casanova, Kom. Benjamin M. Mendillo Jr., Kom. Carmelita C. Abdurahman, at Direktor Heneral Atty. Marites A.Barrios-Taran na dapat itong tutulan sapagkat hindi kailanman batayan ang pagsasaalang-alang sa kakayahan nating gumamit ng banyagang wika upang isakripisyo ang sarili nating wika para lamang umangat ang ating iskor sa pamantayang global habang gutom at kumakalam ang sikmura ng maraming mamamayang Pilipino at matunaw ang ating wika na pundasyon ng ating kasarinlan at karunungan!” pahayag ng KWF.

“Ang pag-ban sa pagsasa-Filipino sa mga pelikula ay paniniil sa dapat na maunawaan ng mga Pilipino sa kanilang pinanonood. Dapat itong tutulan,” patuloy nito.

Giit ng KWF, kailangang patuloy na isulong ang paggamit ng wikang Filipino at panatilihin ang wikang katutubo ng Pilipinas na may dulot na magandang epekto sa mga Pilipino.

Nauna nang inihayag ni Negros Occidental Representative Jose Francisco ”Kiko” Benitez, naghain ng House Bill 9939, na kailangang paigtingin ng bansa ang learning delivery, kung saan ginagamit ang mass media sa pagpapalaganap ng wikang Ingles.

Ayon pa sa mambabatas, malaki ang kontribusyon ng galing ng mga Pinoy sa Ingles na iniuugnay sa paglago ng business process outsourcing industry, kung saan tinagurian ang bansa bilang ”call center capital of the world.”

”We must therefore help younger generations acquire English in different settings, and through different media, to enable them to communicate better and explore new horizons, in terms of employment and social interaction,” aniya. RNT/SA

Previous article3 klasrum nilamon ng apoy!  
Next articleBinatilyo todas sa pamamaril