Home METRO PITX: 4 driver ‘tumakas’ sa random drug test

PITX: 4 driver ‘tumakas’ sa random drug test

MANILA, Philippines- Muling umapela ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong Martes sa bus operators na bantayan ang kanilang mga driver ngayong Mahal na Araw  matapos umanong takasan ng apat na tsuper ang random drug test na isinagawa ng Land Transportation Office (LTO) nitong linggo.

“Kinuha yung lisensya nila, nakalista sila, tapos nung tinatawag na para i-undergo na yung urine test para sa drug test, hindi na sila nagpakita,” wika ni PITX Head of Corporate Affairs and Government Relations Jason Salvador.

“Nakakalungkot ito kasi alam naman natin, pag tumakas ka, isa lang ang ibig sabihin noon diba? Ayon naman sa batas, pag ikaw ay nag-refuse na magpa-test, automatic ma-sususpend yung license mo ng isang buong taon,” patuloy niya.

Nagpositibo rin ang dalawa pang driver sa drug test nitong Lunes at kasalukuyang sumasailalim sa confirmatory tests. Kinumpiska na rin ang kanilang lisensya.

Bagama’t hindi inilahad ang susunod na schedule para sa drug test ng drivers, sinabi ni Salvador na ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng pagsusuri.

“Hindi lamang kasi ito peligroso para sa sarili nila kundi pati sa kanilang mananakay at sa ibang motorista,” ani Salvador.

Inaasahan ang peak ng mga pasahero sa PITX ngayong Miyerkules.

Ani Salvador, sa kabila ng pagdagsa ng mga biyahero, sapat ang bilang ng mga bus upang maghatid ng serbisyo.

“May mga ilang ruta na nagkakapunuan na katulad ng Bicol Region pero wag po silang mag-alala dahil na-arrange na natin ‘to nang maaga. Meron naman po tayong mga additional buses,” pahayag niya.

Gayundin, hinikayat ng opisyal ang mga biyahero na magsuot ng face mask, partikular para sa mahahabang biyahe, sa gitna ng outbreaks ng pertussis o whooping cough sa ilang lugar.

“Although hindi pa naman nire-require ng mga regulating agencies natin yung pagsusuot ng mask, ina-advice natin yung mga mananakay na hangga’t maaari, magsuot sila ng facemask pag nasa loob na sila ng airconditioned buses para sa kanilang kapakanan din,” sabi ni Salvador. RNT/SA

Previous articleCAAP tiniyak na walang flight disruptions sa Mahal na Araw
Next articleLiquor ban kasado sa Maynila