Home NATIONWIDE PNP sinupalpal ng solon sa pagtanggi na magpatupad ng posibleng arrest order...

PNP sinupalpal ng solon sa pagtanggi na magpatupad ng posibleng arrest order ng ICC vs ex-PRRD

MANILA, Philippines – Binatikos ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel nitong Biyernes, Pebrero 9 ang double standard umano ng Philippine Naitonal Police (PNP) sa pagtangging ipatupad ang posibleng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang tinutukoy ni Manuel ay ang naging pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na hindi ipatutupad ng PNP ang posibleng ICC warrant laban kay Duterte dahil sa usapin ng hurisdiksyon.

“Ang ating assertion dito ay may jurisidiction ang ICC sa war on drugs na ginawa ni Rodrigo Duterte bago tayo lumbas sa ICC [in March 2019] kaya ibig sabihin may double standards talaga ang PNP,” ani Manuel.

“Gigil na gigil sila na mang-aresto kahit walang warrant na hawak mula sa korte pag ordinaryong tao. Pero pagdating kay Rodrigo Duterte, kahit pa may warrant na lumabas, hindi raw sila kikilos. Ibig sabihin, mas loyal ang PNP sa mga nasa pwesto… kaysa sa tungkulin nila,” dagdag pa ng solon.

Ang tinutukoy ni Manuel ay ang kaso ng filmmaker na si Jade Castro at mga kaibigan nito, na inaresto ng pulisya na walang warrant habang naka-bakasyon sa Quezon.

Inakusahan ang mga ito na nanunog umano ng modern jeep sa kalapit na bayan.

Nananatiling nasa detention si Castro at mga kaibigan nito, kahit na nakita sa CCTV footage ng lokal na pamahalaan sa lugar na wala sa lugar nang pinangyarihan ang grupo nang mangyari ang sunog.

“Kasi noon, kung di man tinamnan ng bala, “nanlaban” daw kasi ang mahihirap na biktima. Utos daw kasi ng pangulo. Ngayon naman, may filmmaker, si Jade Castro, na nakakulong pa rin kahit walang warrant o ebidensya laban sa kanya. Dun po natin nakikita ang double standards,” ani Manuel.

Sang-ayon si House Deputy Minority Leader France Castro na dapat managot si Duterte sa drug war deaths, kabilang na ang pagsakdal sa ICC.

“This is about serving justice and accountability. He (Duterte) should face the consequences of these drug war deaths,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na sumusunod lamang ang PNP sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kwestyonable ang hurisdiksyon ng ICC sa imbestigasyon sa drug war deaths ng Duterte administration.

Wala pang tugon ang PNP kaugnay nito. RNT/JGC

Previous articleKristoffer, may panawagan kay Kathryn!
Next articlePilipinas inaasahang mag-aangkat ng 3.9M MT ng bigas ngayong 2024