Home OPINION SALUDO SA PCG AT IBA PA

SALUDO SA PCG AT IBA PA

SINASALUDUHAN natin nang lubos ang mga kagawad ng Philippine Coast Guard na nagpupusta ng kanilang buhay para lang masagip sa kapahamakan at mabuhay ang iba.

Pangunahing nasa isipan ng ULTIMATUM ang mga PCG personnel sa Aparri, Cagayan na hanggang ngayo’y nawawala pa bagama’t natagpuan na ang kanilang aluminum boat sa Calayan Island nitong nagdaang mga araw.

 Noon pang nakaraang Miyerkules, dakong alas-4:00 ng hapon, nawawala ang apat na pulis-dagat.

Nakakapit pa sila sa kanilang bangka makaraang tumaob ito sa gitna ng dagat ngunit pagsapit ng dilim, hindi na sila nakita.

Ang kanilang ka-team na sakay ng hiwalay na bangka ang nakakita kung paano sila tumaob at nakakapit sa bangka ngunit hindi nila nagawang i-rescue ang mga ito sa laki ng mga alon na lumalaban sa kanila.

NALAGASAN NGUNIT NAKASAGIP NG BUHAY

Naroon sila sa dagat sa gitna ng pagbayo ng bagyong Egay sa lugar para lang kunin ang pitong tauhan ng M/Tug Iroquis na nagpasaklolo lalo’t isa umano sa kanila ang na-heart attack.

Dalawa team ang dineploy ng PCG ngunit hindi na nga nakauwi at hanggang ngayo’y missing ang apat.

Wala pang nakaaalam kung nasaan ang mga ito o higit pa, kung buhay pa sila.

Maaaring natangay sila sa ibang mga lugar ng malalakas na hangin o maaaring nanigas na sila sa lamig ng dagat panahon o inangkin na ng mga gumagalang pating at iba pang mababangis na hayop-dagat.

Pero dahil sanay na sanay ang mga ito sa laban sa katubigan, we can only pray na ligtas sila at napadpad sa lugar na walang komunikasyon.

Mayroon naman kasing mga isla sa lugar na walang nakatirang tao at malalaman na lang na may tao roon sa pamamagitan ng mga isla-islang search and rescue.

Kung saka-sakali, ituring natin silang mga bayani sa ating panahon at dapat alayan nang karapat-dapat.

MGA PAMILYA AYUDAHAN

Pansamantala, dapat na alayan ng buong alalay o ayuda ang pamilya o binubuhay ng ating apat na bayaning PCG.

Kung may pamilya ang mga ito na binubuhay, dapat tiyakin ang kanilang pagkain, pag-aaral ng mga bata, gamot sa kanilang mga maysakit, mga bayarin sa tubig at kuryente at hulog sa hinuhulugan nilang tahanan o pang-upa kaya.

Lahat ng ayuda ay dapat na ipagkaloob sa mga ito habang binabaybay ng mga rescuer ang lahat ng lugar para makita sila buhay o patay na sa paglililingkod sa kapwa at sa bayan.

Hindi man sabihin, tiyak na si PCG Admiral Artemio Abu, kasama sina PCG spokesman Rear Admiral Armand Balilo at PCG communications officer Joy Diane Gumatay at iba pa ang 24 oras na kumikilos sa kasong ito.

Pasalaman na natin ang mga crew ng MV Eagle Ferry na nakatagpo sa motorboat ng mga biktima.

Previous articlePNP MABAGAL VS NARCO COPS?
Next articleAktibidad ng Mayon, Bulusan lumalala ulit