Home OPINION MAG-INGAT SA SCAMMERS AT EXTORTIONISTS

MAG-INGAT SA SCAMMERS AT EXTORTIONISTS

HINDI na bago ang estilo ng mga kilabot na extortionist na gumagamit ng pangalan ng matataas na opisyal ng pamahalaan, nasyonal o lokal man, na ang kadalasang tinatarget ay mga negosyanteng Tsinoy o ‘yung kulang ang dokumento sa kanilang itinayong negosyo.

Kaya sa dami ng mga ganitong modus ng mga scammer at extortionist ay marunong na rin ang mga negosyante kaya’t hindi na basta-basta kumakagat o nababahag ang buntot sa pananakot at sa halip ay natututo na silang humingi ng saklolo sa pinagkakatiwalaang opisyal ng pulisya.

Pinakahuli nga rito ang tatlong lalaking nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group  na mismong ang pangalan ni First Lady Liza Araneta Marcos ang kinakaladkad para humingi ng milyon pisong halaga sa ilang negosyante sa Pasay City.

Kahit kumpletos-recados ang estilo ng pangingikil ng pangunahing suspek na si alyas “Isko” na may dalawa pang bodyguard kung saan ang isa ay armado pa ng baril, hindi kinagat ng biktima ang pananakot na ipasasara ang kanyang negosyong emission testing center na may akreditasyon mula sa Land Transportation Office pati na ang medical clinic na sumusuri sa mga kumukuha at nagre-renew ng lisensiya at sa halip ay nagsumbong sa  mga pulis kaya timbog ang tatlo sa entrapment operation.

Iba naman ang estilo nitong  si Edison Montealto na gumamit ng pangalan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr. noong nakaraang taon dahil kayang-kaya niyang gayahin ang boses ng kalihim para makahuthot ng salapi hindi lang sa mga negosyante kundi maging sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan. Pero kalaunan, natimbog siya dahil sa pagkuha ng pera sa Gcash nang isagawa ang entrapment operation sa Pangasinan.

Hindi rin ligtas sa mga extortionist ang mga pulis dahil mismong ang pangalan ni Palawan Provincial Police Director P/Col. Carlito Narag, Jr. ay nagamit sa pangingikil. Tumatawag mismo ang extortionist at nagpapakilalang siya si Col. Narag sa mga biktima para manggipit at manakot bago hihingi ng malaking halaga ng salapi.

Natigil lang ang modus ng extortionist nang maglabas na ng pahayag ang mismong tanggapan ng Palawan Police Provincial Office na huwag maniwala sa sinomang tumatawag sa kanila at nanghihingi ng salapi gamit ang numero na isinapubliko ng tanggapan.

Bagama’t hindi pa nahuhuli ang manggagantso, tiniyak ni Narag na hindi sila titigil hanggang hindi naghihimas ng rehas ang extortionist na gumagamit sa kanyang pangalan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articleVALENZUELA REINSTITUTES ‘BANTAY SUNOG’ VOLUNTEERISM CORE
Next articleKABUTENYO FESTIVAL NG GMA, CAVITE