Home OPINION ‘PI’ FUNDS GAMITIN SA RELOCATION SITES

‘PI’ FUNDS GAMITIN SA RELOCATION SITES

MAHIRAP imadyinin ang kaligtasan sa mga lugar na may landslide.

Halimbawa ang naganap sa Maco, Davao de Oro.

Makaraan ang landslide, tumira pa ang isang lindol sa lugar.

Naganap ang lindol habang natabunan sa landslide ang maraming tao, nagkakalkal ang mga rescuer sa mga natabuan at iba pa.

Paano ka maliligtas sa pagkatabon sa maputik at matubig na lupa kung lalong sisiksik ang mga lupang maputik sa pagdating ng lindol?

Milagro, Brad, kung makaliligtas ka pa.

Habang tinitipa ito, may nahukay o natagpuan nang 35 patay habang 77 pa ang missing.

Anong tsansa na buhay pa ang mga missing, sakaling natabunan sila ng maputik at matubig na lupa na lalong sinisik ng lindol?

Kaugnay nito, inihayag na ng mga lokal na awtoridad na hindi na sila papayag pa na may maninirahan sa lugar.

Dati nang idineklarang “No Build Zone” ang lugar dahil may nauna nang mga landslide roon pero naging matigas umano ang ulo ng mga taga-roon.

Magandang balita ‘yang No Build Zone.

Pero dapat na lakipan ito ng madalian na paghahanap ng lugar para sa mapagtayuan ng mga tahanan na ligtas sa mga landslide, lindol at tag-ulan.

Dapat ganito rin ang gawin sa iba pang mga lugar na kapareho ang kalagayan sa Brgy. Masara, Maco.

Sa ganitong sitwasyon, kailangan ang pondo at iba pang mga bagay at pamamaraan ng pamahalaan at kaya naman kung tutuusin.

Nagiging sagabal lang ang mga korapsyon, pagsasamantala ng mga pribadong may-ari ng mga lupa sa pagtataas ng presyo ng mga lupa at iba pa sa relocation sites.

‘Yang bilyon-bilyong pisong ginagamit sa tinatawag na “pekeng initiative” pwedeng dukutin para sa relocation sites.

Maraming lupa ang mabibili at marami ring tahanan ang maitatayo kapag gagamitin ang pondong ‘yan.

 

Previous articleEL NIÑO AT LA NIÑA TUMITINDI
Next articleShear line, easterlies, Amihan magpapaulan sa ilang lugar sa Pinas