Home NATIONWIDE PPA handa na para sa Semana Santa

PPA handa na para sa Semana Santa

MANILA, Philippines- Nakahanda na ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) para sa nalalapit na Semanta Santa. 

Ayon sa PPA, ang Ports Management Offices (PMOs) nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay maagang nagsagawa ng paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na Semana Santa.

Magpapatupad ang PPA-PMOs ng mahigpit ng pinaigting na seguridad sa mga pantalan at maglalagay ng mga help desk na nakahandang tumulong sa pangangailangan ng mga sasakay at bababang pasahero sa mga barko.

Sa PMO NCR North, mayroong tinatayang higit 25,000 pasahero ang dumaragsa tuwing Holy Week season kaya naman kada biyahe, bukod sa inihandang sanitation sa passenger terminal building ay mayroon ding libreng film showing para maaliw ang mga naghihintay na mga pasahero.  

Puspusan din ang paghahanda ng PMO Negros Oriental/Siquijor kung saan nagdagdag na ito ng mga upuan sa mga Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Dumaguete at Port of Guihulngan kasabay ng paglalagay ng directional signages upang mapadali ang paggalaw ng mga pasahero. 

Nakahanda na rin ang dagdag na tent sa PMO Masbate para sa mga biyahero kung sakali mang kailanganin ang mga ito.

Gayundin, nagsagawa na ng repainting sa operational area gaya ng pedestrian lane upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. 

Naglagay na rin ng fast lanes sa PMO Surigao para sa mga pasahero na maliliit na bag lamang ang dala, gayundin para sa mga senior citizen, persons with disability, buntis, at may dalang bata. 

Sa PMO Zamboanga, nakaantabay ang ambulansya at K-9 unit mula sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad. 

Ang Port of Lucena naman na may mga pasaherong bibiyahe patungo sa Marinduque, Romblon, at Masbate, ay may nakaantabay nang mga tent sakaling may makanselang biyahe. 

Sa PMO Misamis Oriental/Cagayan de Oro at PMO Negros Occidental Bacolod/Banago/Bredco, naglinis ng mga kalsada patungo sa pantalan para mapanatiling maluwag ang mga daan. 

Batay sa datos noong 2023, naging pinakamataong port ang mga pantalan sa PMO Panay/Guimaras – Iloilo, Batangas, Panay/Guimaras – Jordan, Mindoro, at Panay Guimaras-Dumangas. 

Tuloy din ang pagpapatupad ng sistema para mapabilis ang daloy ng trapiko patungo sa pantalan partikular ang ‘Blue Lane and One Stop Shop’ sa Port of Matnog na malaki ang naitulong sa pagsasaayos ng pila ng mga sasakyan habang nasa highway. 

Layunin ng nasabing sistemang masolusyunan ang problema ng ‘fixing’ na nangyayari dahil sa singitan sa pila. Sa pamamagitan ng mga provincial marshal at iba pang awtoridad ay maiiwasan ang paglipana ng mga nananamantala. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article11K pulis ipakakalat sa Metro Manila sa Holy Week, summer break
Next article3 sugatan sa sunog