Home OPINION HUWAG MAGING KAMPANTE, MAG-INGAT SA PANIBAGONG SAKIT

HUWAG MAGING KAMPANTE, MAG-INGAT SA PANIBAGONG SAKIT

MATAPOS ang pandemyang dulot ng Covid-19, panibagong banta na naman sa kalusugan, hindi lang sa mga sanggol kundi sa mga matatanda, ang dulot ng mapanganib na sakit na pertussis o walang patlang na pag-ubo na may kasamang lagnat.

Sa katunayan, nagdeklara na nga ang Quezon City Government ng outbreak o mabilis na pagkalat ng naturang sakit kaya ibinalik nila ang puwersahang pagsusuot ng face mask sa mga mataong lugar upang hindi magkaroon ng hawahan ng nakamamatay na sakit.

Kasabay ng outbreak, hinimok pa rin ni Mayor Joy Belmonte ang publiko na huwag mag-panic dahil ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang masupil ang naturang sakit.

Sa ibang mga lungsod sa Metro manila, may mga alkalde rin naman na pinag-iingat ang kanilang mamamayan kaugnay sa kumakalat na sakit.

Ang kainaman nga lang sa pertussis, may bakuna na panlaban ditto upang hindi dapuan ang mga sanggol hindi tulad nang kumalat ang sakit na Covid-19 na tumagal ng mahigit dalawang taon dahil kinailangan pang lumikha ng bakuna para rito.

Ang hirap kasi sa ilang mga magulang, kampante sila sa kalusugan ng kanilang mga sanggol kaya huli na para matuklasan na dinapuan na pala ng pertussis ang kanilang anak at tsaka pa magkukumahog na mapabakunahan.

Maging ang vulnerable sectors, tulad ng mga matatanda, ay mukhang nagsawa na sa kasusuot ng face mask at ipinaiiral na social distancing sa mga pagtitipon at iba pang aktibidad na dinadagsa ng marami kahit panay ang paalala ng pamahalaan sa umusbong na whooping cough.

Ang karamihan kasi, naniniwala na ang mga sanggol lang ang tinatamaan ng ganitong uri ng sakit, bukod sa kampante na rin sila sa sari-saring bakuna na ipinaturok sa kanila tulad ng Covid-19 vaccine, flu vaccine, pneumonia vaccine at iba pa kaya akala nila, hindi na sila dadapuan ng nakamamamatay na karamdaman.

Mukhang ang mga opisyal lang yata ng pamahalaan, nasyunal at lokal, ang  nababahala sa pagkalat ng sakit na pertussis kaya ganoon na lang ang kanilang direktiba sa kanilang health officials na aktibong tukuyin ang mga batang wala pang bakuna laban sa ganitong uri ng sakit.

Sa susunod na taon na kasi gaganapin ang mid-term election kaya yung mga pulitikong may ambisyon pang tumakbo sa kanilang posisyon, labis ang kanilang pag-iingat ipang hindi magkaroon ng batik ang kanilang panunungkulan.

Previous articleDOLE INILUNSAD ANG GAD AGENDA 2024-2028 AT MOVE CHAPTER
Next articleCL COPS, EX-LEFTISTS MAGKATUWANG NA SA MITHIING KAPAYAPAAN